| Life defining moments: Ang manipesto ng aking pagkatao |
| Written by Gianni Jasper Dazo |
|
Kaakibat ng aking paglaki bilang isang tao ang iba’t ibang bagay na sumubok at patuloy na sumusubok sa aking pisikal, mental, emosyonal at sosyal na kakayahan bilang isang indibidwal.
Sa aking pagbibinata, nagkaroon ako ng mas malawak na mundong ginagalawan. Minulat ako ng media sa teknolohiyang likha nilang mga henyo. Nasaksihan ko ang mga realidad ng buhay na minsang kinubli sa akin ng mga maiinit na halik at yakap ng aking mga magulang sa aming tahanan. Ginising ako ng globalisasyon sa kaakit akit na pag- awit ng mga oportunidad, tukso, karunungan at kamunduhan na nanuot na sa aking sistema bilang isa nang ganap na binatang pilit na nililok ng sangkatutak na kamay. Buhat ako sa isang maliit na paaralang binubuo lamang ng iilang guro, at ng mga kaklaseng mabibilang lamang sa daliri. Bilang isang batang pinalaki sa pananalig sa sipag at tiyaga, pinagbutihan ko, sa aking sariling kontexto, ang pag- aaral. Pinarangalan ako ng makailang beses ng aming paaralang munti. Hinakot ko ang maraming medalya at sangkatutak na sertipiko ng pagkilalang tila tuluyang nagpataba sa puso ng aking mga magulang. Naligayahan ang aming paaralan sa anila’y karunungang ipinapamalas ng isang tulad kong musmos at nagpabuya sa akin ng isang taong libreng matrikula sa pag- aaral. Mas maligaya si inay at itay sa mga tagumpay at pagpupunyaging ito- laking tipid sa pahirap na pahirap nang buhay. Pero ako, si Gianni, ang batang higit kaninuman ang dapat na maligaya, tahimik lamang, walang imik na ngumingiti sa bawat papuri ng aking mga kamag- anakan at mga kaibigang nanginginain sa salu- salong hinanda ng aking mga magulang para sa selebrasyon ng aking tagumpay. Sa kaisipan ng batang itong nagkukubli sa kanyang musmos na pangangatawan, maraming tanong ang naghuhumiyaw para sa kasagutan. Ganap nga ba ang aking karunungan? Sapat ba ang kalidad ng munting paaralang ito upang tuluyang lilukin ang aking pagkatao sa pormativ na mga taon ng aking edukasyon? O baka naman, isang matamis na panaginip lamang ang tinatamasa ko ngayon… Sa napakamurang edad, naiukit ko sa aking mga magulang ang aking prinsipyo. Biglang bigla na lamang, sa gitna ng kasiyahan, naibulalas ko, “Lilipat ako ng paaralan. Doon sa paaralang malaki, sa paaralang maraming guro, sa paaralang marami akong makikilalang iba’t ibang klase ng tao.” Para marinig ito ng isang magulang sa isang tulad kong napakaliit na bata, na katatanggap lamang ng alok ng libreng matrikula sa susunod na taon, at sangkatutak na parangal mula sa paaralang nais niyang lisanin, tila isang napakalaking kahibangan ang bawat salitang winika ko. Pero hindi ito isang kahibangan, isa itong napakaagang manipesto ng aking pagkatao. Isa itong tuwirang pruweba--- hindi ng aking katalinuhan, kundi ng pundasyon ng aking prinsipyo; hindi ng aking karunungan, kundi ang aking matibay na paninindigan. Walang tamis para sa akin ang pagkakamit ng mga pagkilala, dahil sampu lamang ang maaaring kikilalanin. Mistula itong isang malaking kahibangan, isang hayagang pagbubulag- bulagan. Ninais kong tumayo’t magbanat ng buto mula sa malambot na katreng aking pinaghihimlayan. Ninais kong tanggapin ang mas malaking hamon kaysa makuntento na lamang sa di umano’y tamis ng pagpupunyagi. Sa madaling sabi, sa aking kamusmusan, ninais kong tumaya sa kapalaran; baon ang sustansya ng mga pangaral ng mga dakila kong inay at itay, armas ko ang gabay at pananalig sa kabutihan at pag- ibig ng aking Panginoon. Pinilit kong tumayo at manindigan sa labas ng masarap na hatak ng aking malambot na higaan sa aking “comfort zone”, kung saan ako’y walang kaibigan, ako’y isang baguhan, kung saan wala akong pedestal, kung saan lahat kami’y pantay- pantay. Heto na ako ngayon, isang estudyante ng Notre Dame of Greater Manila, ang institusyong kinilala na ng Lungsod ng Caloocan sa kanyang kahusayan sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon sa kanyang mga kliyente. Hindi naging madali pata sa akin ang pakikipagsapalaran sa bago kong mundo. Binago ako ng kanyang sibilisasyon at modernisasyon. Pinalawak niya ang aking paningin sa mundo. Pinaalam niya sa aking kaya ko. Tinuruan niya akong--- hindi lamang sumunod sa nakararami, kundi sumunod sa alam kong tama at makatao; hindi lamang magpakamiserable sa mapapait na hamon ng mapaglarong tadhana,kundi tingnan at magpasalamat sa mga positibong aspeto ng dilema; Kailanman ay hindi sasapat ang isang sanaysay para ipahiwatig ang tunay kong pagkatao. Bilang isang binata, alam kong marami pa akong kakaining bigas na tuluyang huhubog sa ganap kong pagkatao. Batid kong napakarami pang hamon ang susubok sa aking tibay at kapit sa Panginoon. Walang kaseguruhan ang kinabukasan. Walang nakakaalam sa kahahantungan ng kahit sino. Pero ako, saanman ako mapadpad, saanman ako dalhin ng aking mga pangarap, gaano man ako subukin ng mga hamon ng buhay, alam kong may babalikan ako. Mawala man ang lahat, alam kong mayroon akong sanktuwaryo, ito’y walang iba kundi ang aking pagkatao, at ang aking matibay na kapit sa Diyos. At ito, ang mga manipesto ng aking pagkatao. (Video from youtube.com; posted by sweetieqt 12.18.09) [Note: This article was written by one of the finalists for a prestigious Science and Technology Award for 2009 at Notred Dame of Manila.]
|