| Mayaman o mahirap, ayon sa pagkatao ang layaw at galaw |
| Written by Jojo Iglesia |
|
Malamang ay narinig nyo na ang kuwento ng skorpion at palaka, pero OK lang kung ating uulitin.... Isang araw ay humingi ng tulong ang skorpion sa palaka para makatawid sa ilog. Naawa naman ang palaka at pingabigyan ang skorpion at isinakay sa kanyang likod. Kampante ang palaka na ang kanyang magandang pinakita kay skorpion ay magbubunga ng mas mabuting pakikitunguhan nila sa hinaharap. (Video from youtube.com; posted by misterpumpkins 03.19.08) Subalit sa gitna ng ilog ay biglang kinagat ng skorpion ang palaka na kasama siempre ng kamandag nito. Naghihingalo na ang palaka pero kinakailangan nyang malaman. "Bakit mo ako kinagat?", tanong ng palaka. "Dahil yan ang natural ko bilang skorpion", ang sagot ng skorpion.Para sa skorpion, wala siyang pakialam; pero para sa taong may isip at ugali at diwa, iba dapat ang basehan. Kesyo maykaya o maralita, ang tunay na pagkatao o karakter ang ipapamalas pag dating ng panahon ng pagsubok o pagtutuos. Kung anong klaseng pagkatao ang mayroon ay nasa isa't-isa (gaya ng tibay ng dibdib, talas ng isip, tuwid na pananaw). Tanging ang sarili ang nakakaalam. Harinawa ay para sa kabutihan ng mga minamahal (para bang payong sa ulan o bagyo) at importante pa, ng mas nakararami at ng sambayanan, ang iiral. Sa mga panahon ng pagsubok kayagaya ng bagyo o baha (gaya ng dala ng bagyong Ondoy na kilala sa abroad bilang Typhoon Ketsana), ano mang tulong na maibibigay sa kapwa ay parang payong na nagbibigay ng proteksyon. Maging sino ka man - mayaman, mahirap, mababa o mataas man ang tungkulin o posisyon - marangal na pagkatao ang tunay na yaman at, kasama ng disiplina at angkop na patnubay, ay bahagi ng makinang magtutulak paabante sa lipunan. |