| Kung may gusto, lahat ay gagawin |
| Written by Jojo Iglesia |
|
Likas sa tao ang paglaki at ang pag-hangad ng mas magandang buhay. Iba't ibang paraan at diskarte ang susundin at tatahakin para makamtan ang munting pangarap. Gusto nga ang isang bagay o hangarin pero handa kayang gawin ang dapat, nang hindi dinaraya ang sarili o iba? Kapag ayaw o hindi interesado, ay palaging may dahilan. Pero kapag oo ang sagot ay gagawin ang dapat na hakbang at mas malamang na makakamit ang gusto. Araw-araw ay nakikita natin ang sakripisyo ng ating mga magulang o maybahay. O di kaya'y mga mahal sa buhay na kinakailangan pang lumayo dahil sa trabaho - mapasa- Amerika, sa Saudi Arabia, Japan, Europa, o Australia. Halimbawa ang irog ay taga-Valenzuela, Malabon, Kalookan, Quezon City, Cagayan, Batangas, o saan pa man sa mundo, pero ang puso at diwa ay 'di nawawala malayo man o malapit.Sa kabayanan at mga barangay ay nagsusumikap ang mga magsasaka sa bukid, ang mga mangingisda sa dagat at laot, ang mga sundalo at pulis, mga propesyonal, mga guro at mag-aaral sa paaralan, at ang mga manggagawa sa mga opisina o factory. Mapa-ulan, mapa-bagyo, mapa-trapik, o mapa-ano mang hirap. Basta ang mahalaga ay pa-abante at 'di paatras ang direksiyon, mapanatili ang kalusugan at komunikasyon sa mga minamahal, at makahanap ng paraan para makaipon para sa mga 'di inaasahang problema. Sa gitna ng mga pagsubok, tuloy ang paggulong ng buhay Pinoy para sa mas magandang kinabukasan. Dahil desidido at buo ang loob. Kaya lahat ay gagawin makuha lang ang gusto na higit pang napalubos kapag hindi naliilimutan ang pag-unawa at pag-intindi sa kapwa. (Video from youtube.com; posted by chatterspride 06.06.09)
|